Ito ang sumpa ko
Lalaban ako sa lahat ng uring paghaharing hindi demokratiko. Hahadlangan ko ang pagbabalik ng mga kagawiang tulad ng sa diktadurang Marcos. Hindi na dapat bumalik ang matinding pagkatakot ng mga Pilipino sa kanilang sariling gubyerno.
Igigiit ko na kasinungalingan ang pagsasabing sa panahon ng batas-militar ay namuhay tayo sa kapayapaan at ginhawa. Igigiit ko ang itinuturo ng ating sariling kasaysayan na ang demokrasya ay di hamak na mas mabuti kaysa diktadurang rehimen ni Marcos.
Hindi ko iboboto ang sinumang pulitikong nagbubulag-bulagan sa mga krimen ng rehimeng Marcos, na hanggang ngayon ay hindi pa naitutuwid. Hindi ko iboboto ang sinumang manloloko na nagyayabang na ang diktadura ni Marcos ay naging mabuti para sa bansa at sa mamamayan. Hindi ko iboboto ang sinumang kandidato na nangangakong ituloy ang mga patakaran at programa ng rehimang Marcos.
Isinusumpa ko, isinusumpa nating lahat: Never again. Di na muli! Hinding-hindi na natin pababalikin ang kakila-kilabot na panahong iyon!
Deklarasyon ng Never Again! Never Forget! Movement
Ika-10 Disyembre, Taong 2015 sa Bantayog ng mga Bayani
