bantayog.foundation

bantayog.foundation

Response in Behalf of the Families of Marciano Anastacio Jr., Hernando Cortez, Manuel Dorotan and Simplicio Villados

p_20161130_100059

Ako po si Cecille Valdellon.  Sa hapong ito, sina Marciano P. Anastacio Jr., Hernando M. Cortez, Manuel G. Dorotan at Simplicio D. Villados ay pinararangalan ng Bantayog ng mga Bayani Foundation bilang mga martir sa pagsusulong ng Kilusang paggawa.  Sinupil ng gobyernong Marcos ang mga karapatan ng uring manggagawa sa panahon ng batas militar.  Subalit sa taglay na dedikasyon ng nabanggit na apat na martir , buong tapang nilang pinamunuan ang kilusan sa pagsusulong ng karapatang makapagtayo ng tunay na unyon, ang pagpapataas ng sahod at pagkakaroon ng makatarungang mga benepisyo, at ang pagpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawa sa loob ng pabrika.  Tunay ngang malaking ambag ang kanilang mga pagsasakrispisyo sa pagsusulong ng tunay na unyonismo.

Ang kanilang mga sakripisyo ay nagbunga hindi lamang para sa kapakanan ng uring manggagawa.  Bahagi sila ng mamamayang naglakas loob na bigyang liwanag ang kadilimang inihasik ng diktadurang pamahalaan.  Naitala na sa kasaysayan na ang mga malalaking welga at kilos protesta sa La Tondeña at Gelmart nuong maagang bahagi ng Martial Law ang naging mitsa ng malawakang pagtutol hindi lamang ng uring manggagawa kundi ng mga kabataan at iba pang sektor maging ng mga magsasaka sa kanayunan na labanan ang paninikil ng diktadurang pamahalaan.  Ang mga malawakang pagkilos na ito ay nagtuloy tuloy hanggang sa maibagsak na nga ang diktadura sa isang People Power Revolution. 

Lubos ang aking pagpapahalaga sa kanilang mga ambag sa kilusang tunay na unyonismo.  Hindi ko po alam kung paano ilalahad sa harapan ninyo ang tunay na aking nararamdaman sa mga oras na ito.  Marahil, dahil hindi lamang bilang isang anak, kundi dahil sa ako po ay naging  presidente rin ng isang unyon.  Ka Chuck, Ka Adrian, Ka Briggs, Ka Felicing, hayaan nyo po akong ialay ang isang bahagi ng rebolusyonaryong awitin “ Ang magbuhos ng dugo para sa bayan, Ay kagitingang hindi malilimutan.  Ang katawang inialay sa lupang mahal, Mayaman sa aral at kadakilaan.”

Nagpapasalamat po ako at mayroong Bantayog ng mga Bayani Foundation.  Pinahahalagahan nila ang buhay ng ating mga bayani at martir.  Nailalagay nila sa kasaysayan ang mga sakripisyo ng mga dakilang mamamayan.  At higit sa lahat, patuloy silang lumalaban upang pangalagaan ang ating demokrasya.

Nananawagan po ako sa lahat ng pamilya ng mga martir, sa lahat ng kamag-anak ng mga martir, sa buong sambayanang Pilipino na  huwag nating hayaang mapunta sa wala ang kanilang mga sakripisyo. Bantayan po natin ang ating nakamit na demokrasya.  NEVER AGAIN TO MARTIAL LAW!  MABUHAY ANG URING MANGGAGAWA!

Maraming salamat po!

Speech delivered during the Annual honoring of Martyrs and Heroes

November 30, 2016